Home » Post Item » EDSA - Ang huling habilin
EDSA - Ang huling habilin
March 4, 2010Matapos ang muling pagdiriwang ng anibersaryo ng EDSA, marami sa ating mga kababayan ang napapailing…tila hinahanap sa kanilang sarili kung ano pa ang kabuluhan ng paggunita sa isang pahina ng ating kasaysayan na naganap 24 na taon na ang nakalipas. Ano pa nga ba ng dapat ipagbunyi kung sa pananaw ng marami, wala na ang diwa ng EDSA?
Tiningala at hinangaan ang Pilipinas ng buong mundo. Bulaklak, rosaryo, panalangin, awit at pagkakaisa ang siyang tanging naging sandata ng mga Pilipinong nagtipon-tipon sa kahabaan ng EDSA. Mayaman, mahirap, babae, lalaki, mangmang at edukado—pinagbuklod ng iisang mithiin—ang muling mapanumbalik ang tunay na diwa ng demokrasya sa Pilipinas. Handa ang bawat isang mamatay para sa bayan. “Sobra na! Tama na! Palitan na!” ang sigaw ng sambayanan. At makalipas ang apat na araw, noong ika-25 ng Pebrero taong 1986, lumipad na paalis ng Pilipinas si Pangulong Marcos. Sa ating isipan, kasabay na lumisan ni Marcos ang lahat ng sakit ng lipunan—hudyat ng pagsisimula ng bagong yugto sa ating kasaysayan!
“Panahon na…ng pagkakaisa…Kapit-kamay, sa bagong pag-asa…” ang naging awit ng bayan sa ating mapayapang pakikibaka! Sa bawat pagkakataon, buong puso at pagmamalaki nating sinasalaysay sa ating maliliit na anak at sa mga hindi pa isinisilang sa mga panahong iyon ang makasaysayang landas tungo sa EDSA, tangan ang pag-asang madama din nila ang nag-uumapaw na pagmamahal sa bayan. Kakambal ng pagpupunyagi ang ating pangarap para sa susunod na salinlahi—- ang pamana ng isang Pilipinas na malinis, maunlad, payapa at makatarungan.
Dalawampu’t apat na taon na ang lumipas, at isang henerasyon na ang nagdaan. Ang mga sanggol noon, ngayon ay malaki na, at nagtataguyod na ng kanilang sariling pamilya. Ilang Panguluhan na rin ang nagdaan—Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Ejercito, at ngayon nga—Gloria Arroyo. Kung bakit sa mga sandaling ito, kirot sa puso ang ating nadarama. Ang dating kislap sa ating mga mata, ngayon ay luha ng kalungkutan na ang mababanaag. Nasaan na ang Pilipinas na ipinaglaban sa EDSA? Nasaan ang diwa ng demokrasyang pinunla, at ang pagbabagong inaakalang aanihin ng mga susunod na henerasyon?
Sa nagdaang panahon simula ng People Power Revolution ng 1986, ang dating matamis na bagong simula sa ilalim ng pamumuno ng namayapang Pangulong Corzaon Aquino ay nabahiran na ng pait ng kasalukuyang lipunan. Pang-aabuso sa kapangyarihan, pagkamkam sa kaban ng bayan, marangya at magarbong pamumuhay ng mga namumuno mismo habang patuloy na naghihirap ang taumbayan, kagimbal-gimbal na balita ng patayan at masaker para mapanatili sa poder ang mga nanunungkulang kapit-tuko sa kanilang posisyon, pang-aabuso sa mga karapatang pangtao—-ano pa ba ang nagbago sa lipunang Pilipino?
Noong nagdaang anibersaryo ng EDSA Revolution, sinabi ni Bongbong Marcos, anak ng pinatalsik nating diktador na si Ferdinand Marcos, kasalukuyang tumatakbo sa pagka-Senador at kaalyado ni Manny Villar, “People Power is a failure”. Bigo at talunan daw ang People Power. Maging si Presidente Arroyo, buong tapang na ipinahayag sa kanyang talumpati na ang People Power daw ay dahilan ng pagkakawatak-watak ngayon ng mga Pilipino. May hatid bang hapdi at sakit ang mga salitang ito sa katotohanan ng ating bayan?
Higit na madaling ibato ang sisi sa mga opisyal ng bayan sa kinasasapitan ng ating bansa. Sila ang hinalal, pinagkatiwalaan ng mamamayang Pilipino upang bigyan ng solusyon ang mga suliranin ng bayan, hindi ba? Kung nawawala na ang diwa ng EDSA, ito ay dahil sa binigo nila ang tiwala ng sambayanan. Sila ang dahilan kung bakit tayo nagkakawatak-watak, kung bakit naghihikahos ang Pilipinas, kung bakit hindi natutupad ang pangako ng People Power! Subalit marahil, nararapat ding itanong natin sa ating sarili— ano ba ang pinupunla nating mga mamamayan sa ating pangaraw-araw na buhay na nagpapalala sa kanser ng lipunan?
Sa mga pagkakataong pinaiiral natin ang ating pagiging pasaway, sa mga sandaling nilalabag natin ang batas at iniisip na “exempted” tayo sa pagsunod sa mga ito, nilalapastangan natin ang diwa ng EDSA. Sa lahat ng pandaraya at pagpapalusot na ginagawa natin, makaiwas lamang sa pagbabayad ng buwis habang hinihintay nating pupunuan ng gobyerno ang lahat ng ating mga pangangailangan… Sa mga sandaling sinusuhulan natin ang mga nasa katungkulan upang magkaroon tayo ng pabuya, o malaking kontrata na ikasasama naman ng bayan, o kung gusto nating makaiwas sa parusa sa mga kasalanang ginawa natin sa lipunan, hindi natin pinahahalagahan ang diwa ng People Power.
Ikinakatwa natin ang kinabukasang pinangarap at ipinangako natin sa ating mga anak sa mga sandaling inaabuso at binababoy natin ang ating kapaligiran. Kapag pinaiiral natin ang ating “Filipino time” —laging huli, laging may dahilan…Tuwing ipinagpapaliban natin sa ibang araw ang ano mang magagawa natin ngayon o yung manana habit nating mga Pilipino…Sa mga pagkakataong lumiliban tayo sa trabaho para lamang sa “good time” o kung hindi natin binibigay ng buong buo ang ating sarili sa ating gawain at hanapbuhay habang inaasahan nating uunlad ang ating bansa, ipinagkakanlulo natin ang mga ipinaglaban natin sa EDSA
Hinahamak natin ang diwa ng EDSA sa tuwing higit nating pinahahalagahan ang mga chismis at iskandalo tungkol sa mga artista at sa ating mga kapitbahay kaysa alamin ang mga isyu ng lipunan upang makagawa tayo ng matalinong disisyon sa ating buhay. Sinisikil natin ang People Power sa mga pagkakataong hindi natin kinikilala ng mabuti ang mga kandidato sa eleksyon, bagkus ay pinipili na lamang kung sino ang sikat, kung sino ang iniindorso ng mga artista, kung sino ang makapagbibigay sa atin ng pabuya at biyaya sa panandaliang panahon. Hindi natin iniisip na sa ginagawa nating ito, ay isinasanla na natin ang ating kaluluwa sa impyerno dahil pagbabayaran natin ng malaki ang bagay na ito.
At sa sandaling piliin nating manatili na lang sa bahay, gumimik, huwag bumoto dahil tinatamad tayo o sa ano pa mang dahilan— pinapatay natin ang diwa ng pagkakaisa at pagmamahal sa bayan na nagtulak sa atin sa EDSA. Ang paghuhugas kamay sa ating sariling mga pagkukulang at pagpapabaya sa kung ano ang maaari nating ibigay sa bayan ay isang pagtataksil sa simulain na nagsilbing inspirasyon sa mga bayani ng ating bansang Pilipinas bago pa ang People Power Revolution, na walang pag-iimbot na nagbuwis ng buhay upang matamasa natin ang tamis ng kasarinlan at kalayaan.
Ang lahat ng mga suliranin ng ating lipunan ay babalik at babalik din kahit ilang eleksyon pa ang idaos, kahit sino pa ang ihalal kung gobyerno lamang ang inaasahan nating magbabago. “History repeats itself” ika nga sa Ingles. Patuloy tayong hahabulin ng anino ng ating nakaraan, hanggang hindi tayo natututo sa aral na dulot ng kasaysayan.
Hindi kailangang mamatay ang diwa ng EDSA—ang diwa ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino sa pagmamahal at pagkalinga sa katotohanan, sa katarungan, sa kalayaan, at sa isa’t isa. Sa kasaysayan ng ating bayan, napatunayan nating kaya nating lagpasan ang ano mang pagsubok na dumating sa ating buhay. Panatilihin nating buhay ang mensahe ng People Power, hindi lamang sa pagpapatalsik sa diktadura, di lamang tuwing eleksyon, di lamang kapag may mga kalamidad katulad ng baha at lindol…Buhayin natin ang diwa ng EDSA sa ating pang-araw araw na buhay…at hayaan nating patuloy itong maglagablab sa puso ng ating mga anak at ng susunod pang mga salinlahi— sa pamamagitan ng ating sariling halimbawa. Nasa ating mga kamay ang kakayahang baguhin ang ating kasaysayan!
Mabuhay ang mga Pilipino! Mabuhay ang Pilipinas!
SUGGESTED READINGS
- Apagmaragul mu bang Kapampangan ka?
- Bakit ganito sa Pilipinas?
- Combating Corruption in the Philippines
- Congressman Manny Pacquiao
- Gusto kong maging Senador ng Pilipinas
- Hinanakit ng sang ordinaryong office worker na ayaw nang magbayad ng tax…ever!
- Kapampangan Kontra Recount
- Manny Pacquiao for President
- Prostitution in Angeles City
- Treseng Hudas, mga balimbing sa Pilipinas!














